‘Di porket walang sahog ay hindi na masarap tulad ng ‘di porket walang make-up ay hindi na maganda. Hindi rin porket walang suot na alahas ay hindi na elegante. Hindi rin porket hindi LV o MK ang bag ay hindi na mayaman.
Inaamin ko naman. Marami akong cooking misadventures pero marunong naman ako magluto. Oo marunong talaga ako (kailangan makumbinsi ka). Marunong akong magluto ng goto, ramen at pork steak, at marami pang iba. Huwag niyo lang akong paglutuin ng sinigang, tinola o nilaga at relleno at kare-kare.
Alam ko naman na ang sagwa. Naturingang HRM grad pero hindi ako mahusay magluto. Pero marami din namang Teacher na hindi marunong magturo ah [Peace!] kaya talo-talo na.
Nagluluto ako nung isang araw ng Penne with Tomato Sauce at ang tanging sahog ko lang dun sa tomato sauce ay bawang, sibuyas, cherry tomatoes, butter, asin at paminta at kaunting herbs.
Habang nasa proseso ako ng paggawa ng tomato sauce kung saan binubudbudan ko ng asin at hinahalo ang cherry tomatoes para maging sauce ito ay dumating ang isa sa aking mga flatmates (na kulang na lang ay kumain ng glutha para pumuti) at inusisa ang taong bihirang-bihira gumamit ng kusina.
– Anong sauce niyang pasta mo?
– Tomato sauce.
– Pinoy style?
– Hindi. Italian.
– Bakit buong cherry tomatoes yan? Ako gusto ko maliliit hiwa nung kamatis.
– Hindi mo na kailangan hiwain yung cherry tomatoes dahil maliit na ito at magiging sauce naman ito kaya hindi na mahalaga kung hiniwa mo ito o hindi.
– Anong sahog mo diyan?
– Iyan lang. Ganyan naman ang Italian pasta.
– Ay ako yung Filipino Style Sweet Spaghetti Sauce ang ginagamit ko pag nagpapasta ako at punong puno ng hotdog, giniling, carrots saka keso. Ano ba ‘yan kawawa ka naman ganyan lang ang kakainin mo.
Matapos kong magluto ay sumibat na agad ako sa kusina at di ko na siya inalok ng aking pasta. Tinanong ko ang sarili ko kung kawawa ba talaga ako gayong napakasarap ng niluto kong Penne Tomato na al dente ang pasta at mas masarap pa kaysa sa hinahain sa akin ng mga mapagpanggap na Italian Restaurant sa tabi-tabi na malabsak ang pasta dahil sa pagkakapangat dito at sa sauce na halatang ready made na.
Wala sa dami ng sahog ang sarap ng iyong niluluto. Take it from the expert. I thank you. Bow.
I’d love to hear from you!