Madaling Araw by Inigo Regalado

Unang nailathala ang nobelang Madaling Araw noong 1909 kung kaya’t ang tema at setting nung libro ay mundong sobrang layo sa kung ano ang ating kinagisnan. Pati yung mga Tagalog na salitang ginamit ay sobrang lalim na minsan pakiramdam ko ay nagbabasa ako ng ibang dayalekto. Minsan may hindi ako maintindihan. Aba! Akala ko ay malalim na akong mag-Tagalog. Ay! Hindi pa pala!

Si Inigo Regalado (enye yung n sa Inigo) ay kaibigan nila Fernando Amorsolo at Guillermo Tolentino at tanyag sila sa U.P. bilang Tres Mosquiteros. Mga haligi ng sining. Alam niyo na siguro kung ano ang dapat i-expect sa kaniya?

Aminado ako na hindi ko kilala si Regalado at talagang tsambahan lang ang pagkakakuha ko sa librong ito nung namili ako sa NBS ng mga Tagalog na libro noong nakaraang taon.Nawirdohan pa nga ako sa book cover. Kako, bakit may patay na ibon?

Aminado din ako na nung nasa bandang unahan pa lang ako ng libro ay gusto ko na itong itiklop dahil sa sobrang bagal ng kwento pero buti na lang hindi ko ginawa iyon. Napagtanto ko na kaya mabagal ang kwento ay sadyang ganoon ang takbo ng buhay mahigit isang daang taon na ang nakakaraan, di tulad ngayon na lahat ay mabilisan. Lahat ng mensahe gusto may reply agad. Kapag seen ang mensahe at walang reply, magtatampo na agad. Isipin mo na lang noon? Nung ang means of communication ay sulat lang. At pinakamabilis na ang telegrama?

Kayamanan ang obrang ito.

Ayaw kong ikumpara pero para talaga siyang Ana Karenina (hindi yung palabas ni Antoinette Taus, Kim Delos Santos at Sunshine Dizon ha grrrrrr). Siguro, kaya ko napaghahambing ang dalawa ay dahil halos nasa iisang panahon lang nangyari ang kwento, isa pa pareho itong napakagagandang mga nobela.

Ang Madaling Araw ay isang romantikong nobela na umikot sa pag-iibigan ng mga pangunahing tauhan na si Mauro at Luisa at iba pang mga magkakapareha. Maraming trahedya ang pinagdaanan ng mga magkakasintahan, yung iba ay nauwi na lang sa pagkakasawi dahil sa matinding kalungkutan na dala ng mga pagsubok sa kanilang pag-iibigan.

Sa kwento, parang binubully ng mga kabataang Pinoy ang mga Pinoy na laking Amerika. Mayroon silang mga tinawag na ‘Filipino Boys’ na pinagtatawanan nila dahil nagpupumilit magsalita ng ‘lengwahe ni Shakespeare.’ Ang kulit lang. Samantalang ngayon, lahat gusto magkaron ng American accent ano?

Noong wala pang telebisyon ay kakaiba ang libangan ng mga kabataan. Nagbubugtungan, sayawan ng walts at rigodon at kantahan ng kundiman. Iniimagine ko lang, ano kaya kung ganiyan pa din ang libangan hanggang ngayon?

Sa kalagitnaan ng romantikong pag-iibigan ay biglang may mahahabang talatang naghahayag ng dakilang pag-ibig sa tinubuang lupa, bagay na hindi kataka-taka sa ganitong klase ng libro.

Marami ring iba’t-ibang isyu ng lipunan ang tinalakay sa librong. Isyu noong panahon nila na isyu pa rin hanggang ngayon tulad ng pagtangkilik sa produktong banyaga at isyu noong parang hindi na masyadong isyu ngayon tulad ng sobrang higpit na mga magulang na nangungurot sa singit at namamalo ng sinturon.

Habang binabasa ko ito ay na-i-imagine ko na ang mga senaryo ay parang yung mga nasa pelikulang makaluma. Black and white, makaluma ang buhok at pananamit ng mga gumaganap, naka kamesita de chino ang mga lalake at naka baro’t saya naman ang mga babae. Madrama. Maraming iyakan. Maraming panibughuan. Simpleng buhay. Tumatanaw sa bintana sa kinahapunan. Nag-aawitan sa ilalim ng punong mangga. May mga kalesa. Sayawan. Kundiman. Bugtungan. Karnibal sa Luneta. Mga parte ng ating pagka-Pilipinong madalas mahahagilap na lang sa mga titik sa libro at sa likod ng pinilakang tabing.

Madaling Araw
Madaling Araw

4 responses to “Madaling Araw by Inigo Regalado”

  1. […] 3. Madaling Araw – Inigo Regalado […]

    Like

  2. Ang galing mo naman hindi lang sa review ng aklat kundi sa pagbibigay mo ng pagkakataon na mabasa ito. Minsan, mahirap basahin ang libro ng kilala nating manunulat hindi dahil sa mabagal ang takbo ng istorya nila (o kung ano pa man) kundi dahil masakit mabasa ang ating kahinaan.

    Liked by 1 person

    1. Salamat po. Tama po kayo diyan….

      Liked by 1 person

  3. Atacia Nicole Pura Avatar
    Atacia Nicole Pura

    Hi ate Aysa! I love how you composed your reaction paper. Hahaha I really neede this for my module.

    Liked by 1 person

I’d love to hear from you!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: