*Ang aking mga ilalahad na impormasyon ay napagpupulot ko sa mga sources, ngunit ang mga katanungang ihahain ko ay bunga ng aking makulit pero hindi malikot na ihaminasyon. Enjoy!

Litrato mula sa aetainfo.wikispaces.com
Ang mga Aetas ang isa sa mga (kung hindi man) kauna-unahang nanirahan sa Pilipinas bago pa man ito nadayo at naimpluwensyahan ng mga Malays, Hindus, Arabo at mga Intsik at bago pa man tayo masakop ng mga Kastila.
Nabansagan silang Negrito noong panahon ng mga Kastila, Negro dahil sa kanilang kulay at kulot na buhok na ginawang namang Negrito (kumbaga mini version ng Negro) dahil sila ay maliliit at hindi lalampas sa limang talampakan ang tangkad.
Magagaling daw na mga hunters ang mga Aetas, magigiting na mandirigma at survivor sa kagubatan. Kilala rin daw ang mga Aetas na hindi tumatalima sa mga pagbabago at kahit anong himok nga daw ng mga Kastila noon ay hindi nila nagawang pasunurin at dahil doon ay hindi nga daw sila masyadong pinakialaman ng mga mananakop na ito at kahit pa man daw noong panahon ng pag-okupa ng Amerika sa Pilipinas ay hindi sila nagpasupil. Aba nga naman ano? Sila ay may paninindigan! Paano kaya kung lahat talaga ng Pinoy noon ay mga Aeta, hindi kaya tayo nasakop ng mga Kastila? o ng mga Amerikano? Hmmm…pero kung hindi kaya talaga tayo tumalima sa mga pagbabago, uunlad kaya tayo? O mananatiling mga hunters at nomads at mga jungle survivors?
Sabi-sabi na ang mga Aetas ay mga manlalakbay at sila daw ay nakarating sa Pilipinas sa pamamagitan ng tulay na lupa na nagdudugtong sa Pilipinas at sa ibang pang parte ng Asia. Ang Palawan daw ang tanging natitirang parte ng tulay na lupang ito na naging daan sa mga sinaunang paglalakbay at pakikipagkalakalan.
Noon daw, ewan lang kung hanggang ngayon, ay sumasamba ang mga Aetas sa mga anito, mga espiritu ng kalikasan, halaman at kagubatan, mga diwata at kung ano ano pa. What if hindi kailanman nakilala ng Pilipinas ang Islam at Kristiyanismo? Wala kayang gulo ngayon?
May nabasa akong libro na pinamagatang Forest People ni Collin Turnbull. Ang kwento ay tungkol sa tunay na buhay ng isang puting doktor na tumira ng ilang taon kasama ang mga African Mbuti Pygmies. Ang Pygmies ay isa sa maraming tribo sa Congo, maging sa kabuuhan ng Africa. Sila ay mas maliliit kaysa sa iba pang tribo sa Africa, palipat-lipat ng tirahan at mas madalas ay sa kagubatan lang namamalagi. Tila ba naguguluhan daw kasi sila sa siyudad at ayaw din nilang sumunod sa mga norms na sinusunod ng mga sibilisadong tao, ayaw din nilang mag-trabaho. Magaling din silang hunters tulad ng mga Aetas. Marami din silang ritwal at naniniwala silang ang espiritu ng kagubatan ang nagpapala sa kanila at nagbibigay ng makakain. Isang gabi bago sila mangaso ay may ritwal silang ginagawa, sumasayaw paikot sa kanilang bonfire at nag-iingay at nagtatatambol para daw marinig ng kagubatan ang kanilang daing.

Hmmm. Hindi kaya Pygmies din ang mga Aetas ng Pilipinas?
Inakala nga na ang mga Aetas ay Pygmies din dahil sa pagkakaparehas ng mga gawi at gayun din ng pisikal na anyo – kulay tangkad at buhok pero, genetically, magkaiba daw ang mga Pygmies at mga Aetas. Haka-haka na kaya daw ganun ang kulay ng mga Aetas, tulad ng mga Pygmies ay dahil parehas sila ng kapaligirang tinitirhan, at iyon ay sa mga kabundukan o kagubatan. Pero kung hindi Pygmies ang Aetas, saan sila talaga galing? At kung wala talaga silang African roots, parang napaka-imposible namang ang isang kayumanggi na tumira lang sa kabundukan ng matagal at namuhay gaya ng mga Aetas at Pygmies ay magiging ganun din ang pisikal na anyo nito? Tsk, tsk.

Sa Mt. Pinatubo daw nanirahan ang mga Aetas ng ilang daang taon dahil maganda ang lupa. Umulan man o hindi ay makapagtatanim ka at maraming halaman na pwedeng mapagkunan ng makakanin. Bumaba lang sila at nagsipangalat nung pumutok ang Mt. Pinatubo.
Dahil na rin sa pakikialam ng mga taong kapatagan sa kanilang mga kabundukan, sa pagputol ng puno at pagkalkal ng lupa ay nawawalan ang mga Aetas ng kanilang pamamalagian. Kaya ngayon nga nagkalat na sila kung saan-saan, marami sa kanila ang nanlilimos na lamang at namamasukan at napipilitan na ring magtrabaho, yung iba inaalila.
Laman ang mga Aetas ng sari-saring dokumentaryo at mga libro sa loob at labas man ng Pilipinas. Pilit inaalam kung ano ang meron sa kanila. Ay bakit nga ba? Di yata’t napaka interesante ng kultura’t pamumuhay nila? At maanong may batas naman palang dapat na nangangalaga sa mga Indigenous People na tulad nila ay madalas pa rin silang naabuso ng mga sibilisadong tao?
Hala, hanggang dito muna ang aking mga What Ifs sa ating kasaysayan, sa uulitin!
Tanong lang ng tanong, dahil hindi naman masama ang magtanong. 🙂
References:
http://www.peoplesoftheworld.org/text?people=Aeta
http://en.wikipedia.org/wiki/Aeta_people
http://en.wikipilipinas.org/index.php/Aeta
I’d love to hear from you!