
BBC, Philippines
Hindi ko alam kung dapat ba na ikatuwa natin ang artikulong ito.
Nung nakaraang linggo ay literal na nag-away kami ng kaibigan ko dahil sa isyung ito. Binanggit ko sa kanya ang artikulong nabasa ko sa Bloomberg tungkol sa planong pagpapatigil ng Presidente ng Indonesia na magpalabas ng mga kababaihang Indonesian upang magtrabaho sa ibang bansa kung mamamasukan lamang sila bilang mga kasambahay. Plano nya na dagdagan pa ang mga proyektong pangkabuhayan para manatili na lamang ang mga ito sa bansa.
Pinunto ko sa kaibigan ko na parang maganda ang planong ito ni Presidente Joko at ito ang aking mga dahilan kung bakit ko ito sinasang-ayunan:
a: Parang ayos din na ipatigil na ng Pilipinas ang pagpapalabas ng mga mamamasukan bilang maid lalo na kung sa Middle East sila papupuntahin dahil dito pinakamataas ang rate ng mga inaabusong Pinay na kasambahay.
b: Sa mga nakadaupang palad ko dito sa Dubai na mga nagkakasambahay, halos nasa 900 to 1000 dirhams ang sweldo nila na halos 10-11k pesos. Hindi ko naman ni-la-lang ang halagang iyan at kung tutuusin ay malaki laki iyan kesa sa mga posibleng kitain nila sa Pinas. Ang kaso, maliit na halaga yan para ibuwis ang buhay mo lalo na’t hindi mo sigurado kung sino ang magiging amo mo at mas lalo kung sa mas mahihigpit na bansa ka pa ipapadala at kung sobrang higpit at salbahe pa ng magiging amo mo.
c: Hindi sa kinakahiya ko ang mga kababayan nating nagkaksambahay sa ibang bansa. Ang problema naging tatak na natin ito. Kaya nga minsan sa grocery kahit na hindi naman ako naka uniporme na pang-kasambahay ay binabangga bangga na lang ako ng trolley nung ibang mga hitad na walang modo at hindi nga man lang humihingi ng pasensya. Kung sakin lang, kaya kong lumaban sa mga ganyang klaseng pambabastos pero paano yung mga kababayan nating walang imik? At sila na nga yung nadehado, sila pa yung nagsasabing “Sorry Madame.”
d: Wala na ba talagang ibang paraan pa para kumita sila na hindi na lalabas pa ng bansa? Wala na ba talagang programang pwedeng gawin ang bansa kesa himukin nila ang mga kababayan natin na maging kasambahay sa ibang bansa?
Sa nakita kong graph na ito ng remittances hindi ko maiwasang mag-isip na ginagawa na lang bang negosyo ng bansa ang mga OFWs? Kung yung ibang mga bansa ay gumaganda ang ekonomiya dahil sa kanilang produktong in-e-export, agrikultura, langis at turismo, tayo naman ay dahil sa remittances?
Ang argumento naman ng kaibigan ko ay wala daw karapatang magdikta ang gobyerno kung ano ang gagawing desisyon ng kanyang mamayan. Kung gusto daw nitong mangibang bansa para kumita ay hindi daw dapat hadlangan. Marangal na trabaho naman daw ang pagkakasambahay. At tungkol daw sa mga naabusong kasambahay, hindi naman daw porket naabuso na ang isa ay pare-parehas nang naabuso ang lahat. (At humaba pa ang aming diskusyon at dun na kami nag-away pa).
May punto rin naman ang kaibigan ko na karapatan ng bawat mamamayan na magdesisyon para sa sarili nya at hindi naman ako kokontra dyan. Pero siguro nasasabi nya yan dahil unang beses nyang nakapag abroad ay sa Germany na sya agad nakarating at maganda na agad ang kanyang kinauupuang pwesto. Walo hanggang siyam na oras lamang siya nagtatrabaho, limang araw sa isang linggo at nauupo sa komportable nyang upuang may cushion pa sa likod nya para di nakakangawit habang nakaharap sa computer. Tinanong ko siya kung gaano karaming Pinoy ang mga nakadaupang-palad nya na sa Germany at sinabi nyang mabibilang lang sa daliri ng kamay, mga propesyonal din na tulad nya.
Siguro magkaiba kami ng mga naranasan, magkaiba kami ng mga nakita, kaya magkaiba ang aming opinyon. Siguro wala pa syang nakadaupang palad na mga kababayan nating namasukang kasambahay na tumakas dahil sa pisikal na pang-aabuso ng amo at dahil tumakas sila, wala silang passport at hindi sila makauwi. Yung iba kahit anong trabaho pinapatos at panay ang tago dahil walang mga dokumento. Yung iba tumanda na lang kakaantay ng amnestiya. Yung iba, nasasadlak sa postitusyon, yung iba nakukulong.
Siguro wala pa syang nakikitang mga kababayan natin na hinahampas-hampas lang o binabatuk-batukan ng mga alaga nitong mas malalaki pa sa kaniya, o kaya yung nakaupo sa isang sulok ng restorant at nakatunganga habang ang pamilyang kanyang pinagsisilbihan ay nag-pipista sa mahabang lamesa, nagkakalat ng kanin sa hapag at nagsasayang ng pagkain habang hindi man lang sya maabutan ng kahit isang basong tubig.
Siguro kaya ganyan ang opinyon nya ay dahil wala syang kahit anong pangamba. Kakaunti kung meron man ang posibilidad na sya’y abusuhin at kung mangyayari man yun ay alam nya kung ano ang dapat nyang gawin, alam nya kung ano ang kanyang karapatang pantao at pang-empleyado at higit sa lahat ay hawak nya ang sarili nyang pasaporte. Ngunit paano yung mga kababayan nating hindi hawak ang kanilang pasaporte, yung mga nagkakasambahay na walang masyadong karanasanan at kaalaman sa buhay, di marunong lumaban, madaling takutin, madaling manipulahin at di alam ang gagawin kapag na dehado, di alam kung saan pupunta, di alam kung saan hihingi ng tulong.
Siguro, masyado akong nag-gegeneralize o masyado lang akong maraming sentimyento.
When I arrive at the state-run Housemaids Academy in Manila morning exercises are well under way. A squad of uniformed cleaners is poking feather dusters into all corners of the sitting room. In the kitchen trainee cooks are immersed in the finer points of salad preparation.
“We are proud of what we are doing,” one of the trainee maids, Maria, tells me. “We are national heroes.” That was a phrase first coined in a government propaganda campaign, and it’s clear that the 20 young women now gathered around me – all immaculately uniformed and polite to a fault – desperately want it to be true.
Minsan pakiramdam ko, ang mga OFW ay mga babaeng anak na pinambabayad utang ng kanilang Amang batugan, sugarol at lasenggero. Ayaw magtrabaho at panay ang lustay ng pera hanggang sa mabaon sa utang. Sa dami ng utang ay wala nang maisip na ipambayad kundi ang mga babaeng anak nya na lamang. At nung malaman nyang maari pa lang ipambayad ang kanyang mga anak ay nagbalik pang muli sa dati nyang bisyo hanggang sa siguro, wala na syang matirang anak na babae dahil naipambayad nya ng lahat.
Ang artikulo ay mababasa dito: http://www.bbc.com/news/magazine-31762595
I’d love to hear from you!