Paano magsusulat ng mga bagay na tungkol sa pag-ibig na hindi lalabas na kornik ang iyong obra? Paano kung kornik kang talaga, kornik ang iyong pagkatao at feeling mo hopeless romantic ka pero kornik ka naman pala talaga? Kelangan mo bang itaon ito sa araw ng mga puso para pagbigyan ka na kahit kornik ka dahil napapanahon naman? Eh paano kung gusto mong magsulat ng tungkol sa pag-ibig sa buwan ng Nobyembre? Wala na bang lusot?
Paano hindi magiging boring ang iyong kwento kung ang sarili mong lab layp ay boring din naman talaga? Paano mo bibigyan ng buhay ang isang bagay na lantang gulay? Konting dilig, konting sikat ng araw, ayos na ba yan? Hindi kaya’y kailangan pa ng konting ulan o kaya’y bagyo para masilayan ang makulay na bahaghari matapos ang pagbayo ng unos? Bahagharing parang malapit pero hindi maabot. Nagdudugtong sa lupa at sa langit, parang padulasang galing sa alapaap na muling maghahatid sa iyo sa kalupaan.
Paanong hindi magtutunog ampalaya kung dumanas ka naman talaga ng mala-apdo sa pait na karanasan sa pag-ibig? Hindi ba’t tsokolate man ay may naitatago ring pait? Paano magbabalik ang tamis sa pusong nahagupit? Paano pahuhupain ang damdaming punong-puno ng galit?
Paano ka gagawa ng obra na hindi makapanlilinlang ng mambababasa, at higit sa lahat ng iyong sarili?
Ngayon sabihin mo, paano nga ba magsulat ng tungkol sa pag-ibig? Kailangan ba ng kumpletong sangkap at pampalasa? Dapat ba’y may tamis at pait? Lungkot at saya? Init at lamig? Paano ba? Paano?
I’d love to hear from you!