Nakakainis. Nakakairita. Napakakati. Kinakamot at sumisiksik sa ilalim ng kuko. Minsan nakakadiri na lalo kapag naglalaglagan sa balikat at kitang kita sa itim na damit. Minsan nasusugat, nagnanaknak ang anit na maghapong kinamot ng hindi pa napuputulang mga kuko. Mahapdi pag binasa, masakit pag nalagyan ng shampoo. Mapapangiwi habang dahan dahang hinahaplos ng kamay ang sugatang anit na dinadaluyan ng tubig habang binabanlawan para matanggal na ang bula.
Masyadong mainit ang tubig sa tag-init, pumapaso sa ating anit kaya ito’y naghihimagsik at ang mga balakubak ay parang mga surot at maliliit na ipis, kung kelan tag-init, don nagsisilabasan, kitang-kita, sobrang dami.
Masyado rin daw maalat ang tubig sa disyerto dahil mahal ang sariwa. Kaya nga marami ang numinipis ang buhok sa pagtagal ng panahon at dumadami pa din ang balakubak.
Nakakainis. Nakakairita.
Sa pagdating ng tag-lamig ay makakahinga na sana ng maluwag. Hindi na mainit ang tubig kaya’t inakalang mawawala na ng lubusan ang mga balakubak na ito pero isang malaking pagkakamali. Nandyan sila. Parang mga insektong nagtatago sa taglamig. Natutulog, nagpaparami para sa kanilang muling pag-atake sa tag-araw.
Patakan daw ng katas ng dayap o kaya naman daw ng pulut-pukyutan pero wala naman yatang epekto. Maasim man o matamis, ganun pa din. Kahit aloe vera ata ay wala pa ding silbi, kahit sariwa, kahit matabang.
Lahat na yata ng shampoo ay nasubukan na pati pang kabayo, pusa at aso, nagpapalit palit hanggang sa wala ng iba pang pwedeng subukan pa. Ngunit paano ba makakalaya sa mumunting salot na nakadikit sa ating bumbunan? Patuloy bang kakamutin o magpapakalbo na lang? Mawawala ba ito kapag nagpakalbo? Hindi! Hindi! Hindi! Kelangan talagang mapuksa ang puno’t dulo nito para hindi na manumbalik pa. Pero paano ba? Paano?!
Hangga’t hindi mo nasosolusyonan, nandyan lang sila. Nagsusumiksik, nakahihindik, nagpaparami, muling magbabalik.
***
Maligayang araw ng mga puso.
I’d love to hear from you!