Inaantay ko ang aking kaibigan sa may Metro Station kaya tumambay muna ako ng siguro ay nasa labing limang minuto.
Tumayo ako sa isang gilid at nagmasid masid.
Ang istastyon ng tren ay isang sangang-daan kung saan nagtatagpo ang mga taong may iba’t ibang pupuntahan at may iba’t ibang pinanggalingan.
Sa aking pagtayo doon ng ilang minuto ay napakarami kong naobserbahan.
May magkasamang naghihilahan dahil hindi sigurado kung saang Exit lalabas. Meron naman tahimik na lumalapit sa guwardya para magtanong ng direksyon at yung iba ay nagbabasa ng mapa.
Halos lahat ay may mga hawak na cell phone. May tumatawag habang naglalakad, may nakikipag-usap sa kasintahan habang naglalakad “sige malapit na ko, labyu bye,” may nakikipag-usap sa katrabaho “I’ve sent the mail to the client and I’m waiting for his reply,” at may wala yatang signal “Hello Ma, naririnig mo ba ako? Sumagot kayo sayang load ko.”
Meron namang nagkecandy crush habang naglalakad, meron naman naglalaro ng 4 Pics 1 Word.
May naglalakad ng mabilis at umo-over take pa, meron naman parang namamasyal lang. Ang masaklap ay meron ding alam na ngang nagmamadali yung tao sa likuran, lalo nya pang hinaharang at binabagalan. Meron ding nagmamadali pero di makapaglakad ng mabilis dahil sa bagal maglakad nung taong nasa harap nya. May mga taong makapritso at may mga pinagkakaitan ng pagkakataon.
May mga Prima Donna at may mga simple lang. Yung iba mataas ang takong at parang model kung maglakad, may ilang naka-flat shoes na nga ay natatapilok pa. Merong makulay manamit, merong parang nagluluksa. May mga bitbit na Michael Korrs bag at may mga pekeng hindi halata.
May mga magulang na may tulak na stroller na nagdidiskusyon. Hindi na nga nakatingin, namreno ka na nga, talagang babanggain ka pa rin. Talagang merong ganon. At isa pa, sila na nga nakaperwisyo, sila pa ang galit. Hindi man lang hihingi ng paumanhin. Pero meron ding mga taong nasa likod mo na handang tumulong kung ika’y naalanganin.
May mga magkasintahang nag-aaway at naghahabulan, meron namang magkakaibigang anlakas nmag-tsismisan. Pinagtitinginan na, lalo pang nilalakasan.
May mga turistang naliligaw. May mga naggigitgitan. May nagpupumilit sumiksik at may nagbibigay naman ng daan.
May mga magkakaibigang nagbebeso beso para magpaalam na sa isa’t isa at meron namang mga tulad kong patuloy na nag-aantay.
May taong parang nananadya. Kahit halos nakadikit na ako sa pader ay talagang hahagingin pa ako, “Tol, masikip ba ang daan?” Meron naman kung makatitig sa akin ay para bang kasalanan ang tumayo sa gilid, “Bawal ba mag-antay ng kasama dito?” Meron ding mga kababaihan na mula ulo hanggang paa kung makatingin “Ate, maganda ka na.” Yung iba naman, nakaakbay na sa kasintahan nila ay sumisimple pa ng tingin. Yung mga nakayuko naman maglakad at pag napatingin sa iyo ay iiiwas ang tingin, mahiyain ba sila?
Meron namang naka headphone nga, dinig naman ng lahat yung music nya. Sana kaya stereo na lang dinala mo kuya para makiki headbang na rin kami.
Dumating na ang aking inaantay at tumungo na kami sa platform.
May isang Indianong nakatayo sa tapat ng pintuan kung saan nakaturo ang arrow na palabas ng pinto ng tren at may nakasulat naman na “Out.” Sa dalawang gilid naman nito ay may nakadrowing na arrow na nakaturo sa direksyon papasok sa tren at may nakasulat na “In.” Sa makatuwid, yung mga papasok pa lang sa tren ay dapat nakatayo sa gilid.

Mahinang sinabihan ni Ate yung Indiano “My friend, you should not stand in the middle because that’s the exit for the passengers. We should stand on the side.” Tiningnan lang sya nung Indiano at winalang bahala ang kanyang sinabi. May mga taong kahit sa simpleng pamamaraan ay naghahangad ng pagbabago. Meron namang mga taong lahit simpleng bagay na nga lang ay hindi pa magawa.
Sa pagsakay namin sa tren ay nakita ko ulit yung Indiano at si Ate. Siksikan kaya lahat kami nakatayo pero nung nagkaroon ng bakante ay inunahan nya si Ate sa upuan.
Maya-maya pa ay bumaba na si Indiano kaya nagkaroon ulit ng bakante. Hindi na naman nakaupo si Ate dahil sa dami ng lalakeng nag-uunahan dun sa silya. Nanatili na lang syang nakatayo sa tabi ng pintuan hanggang sa kami ng kasama ko ay nakababa na.
Ang istasyon ng tren ay parang mundo na sangang-daan sa milyon-milyong taong may kanya kanyang byahe. Marami tayong makakasalamuha at yung iba ay makakasabay mo sa iyong byahe. Yung iba mauunang bababa at yung iba ay sasabay sa iyo hanggang sa iyong patutunguhan. Meron din namang mas mahaba pa ang byahe kaysa sa iyo.
Gaano man kalapit o kalayo ang ating mga byahe, ang mahalaga ay yung mga aral na ating mapupulot at yung mga bagay na ating gagawin para magsilbing inspirasyon sa iba.
I’d love to hear from you!