Sabi nila libre lang daw ang mangarap kaya pwedeng dami damihan dahil hindi naman magkakaubusan.
Madalas akong nangangarap at saksi dito ang buwan at mga bituin, ganun din ang lamesa at bangko sa labas ng bahay namin.
Kapag tapos ko na ang mga gawaing bahay ay pwede na akong tumunganga at magpahangin.
Habang tinitipa ang gitara at bahagyang kumakanta kanta ay sinasana kong ako ay humusay. Sinubukan ko pero walang wala ako sa kapitbahay naming hainan mo man ng plywood at alambre ay musika pa din ang kalalabasan pag sya na ang tumipa.
Iba ang pakiramdam pag binasa mo ang Florante at Laura habang nagkikinangan ang mga bituin sa kalangitan. Para bang may mahika at para bang mapapaibig ka habang sila ay kumukutitap. Minsan naitanong ko kung ang aking magiging Florante ba ay tulad kong nakadungaw din sa kalawakan noong mga sandaling iyon?
Minsan ako’y nakatunganga lang at humahanga sa ganda ng nilikha. Iniisip ko kung sa kabilang parte ba ng buwang aking nasisilayan ay may batang tulad ko ring nangangarap.
Saksi ang buwan sa mga panahong gabing-gabi na ako nakakauwi at di pa man sya nakakapagpahinga sa pagmamatyag nya ay heto’t paluwas na naman ako ng bahay.
Minsan nagtatanong din ako kung hanggang kailan pa ba kami mag-uulam ng puro itlog at kamatis lang, pero walang dumating na kasagutan.
Ilang taon ang lumipas na ang araw at gabi para sa akin ay naging isang mahabang dalawampu’t apat na oras na lang. Halos di ko na nalaman ang pagkakaiba. Halos nakalimutan ko na din ang buwan at kalangitan, at ang aking pagtunganga.
Muli ay sinubukan kong tumanaw sa bintana at nakita ang kalangitan, ngunit sa ibang anggulo. Nakikipagtaguan na ang buwan sa mga matatayog na gusali at nangupas ang mga tala sa kinang ng mga ilaw nito.
Kumukupas din ba ang ganda ng langit? O nagbabago lamang ang ating pagtingin?
Sa iilang pagkakataong muli ay aking nasisilayan ang buwan, ako ay nagtatanong. Sa kabilang parte ba nito ay may isang batang umaawit, umiibig at nangangarap din?
***
Ang post na ito ay isang alaala na muling nagbalik sa akin ng mabasa ako ang tulang ipinaskil ni Cup kamakailan lang
I’d love to hear from you!