“Isay may sasabihin ako sayo pero natatakot ako.”
“Ano naman yun?”
Hindi mapakali. Pinipilipit ang kaliwang binti sa kanan tapos pakakawalan, tapos uulitin ulit.Halatang balisa itong si Eddie. Pasilip silip kung may lalabas sa back door ng restaurant.
“Eh kasi, samahan mo ko.”
“Saan?”
“May sasabihin ako pero sating dalawa lang to ha.”
“Ano ba kasi yun? Kanina ka pa?” Naiirita na ko sa sagot kong yan. “Ano ang sasabihin mo at saan pupunta?”
“Si Sir Tom nagpapasama sa Deira daw, dun sa may Creek.”
“O eh bakit mo ako isasama e di naman ako imbitado? Saka lakad nyong mga boys yan eh bakit ako sasali, mamaya magalit pa yun.”
“Yun na nga eh.”
“Anong yun na nga? Bakit di ka pa kasi magsalita? Nakakaasar ka na matatapos na breaktime natin bahala ka dyan.”
“Ganto kasi, bantay ka baka may lumabas ng pinto may makarinig saten.”
“Oh sige na go na.”
“Eh kasi nakita mo yung bago kong phone?”
“Yung Nokia na pahabang patagilid na kulay orange? Yung parang Brick Game?
“Oo yung Nokia 3300.”
“So anong meron?”
“Hindi ko kasi binili yun eh.”
“Eh ano ninakaw?”
“Hindi, hindi. Naman to eh.”
“Putol putol ka kasi magkwento buwiset.”
“Bigay saken yun ni Sir Tom.”
“So?”
“Gusto nya maging kami eh.”
“Weh? Bakit? Bading ba si Sir Tom?”
“Oo.”
“Maniwala?”
“Oo nga kahit may asawa’t anak pa sya bading sya. Nagyayaya nga na magpunta daw kami ng Deira bukas kaya nga samahan mo ko dahil off mo din diba?”
“Eh ano ko chaperon? Sabit sa date nyo?Pambihira!Imbes na makatulog pa ako ng mas mahaba eh idadawit nyo pa ko dyan.”
“Sige na natatakot kasi ako kung kami lang dalawa eh.”
“Hala e kung magalit pa yan?”
“Hindi basta sumama ka.”
Day Off
“Uy Isaw dalian mo maglakad baka maiwan tayo ng Bus 33 isang oras na naman tayong magaantay.”
“Ito na Sir Tom, Isaw na talaga ang bansag mo sa akin ngayon?”
“Oy bakit may angal ka ha?” sabay ngiwi. Napaka flexible ng mukha ni Sir Tom kaya nakakatawa pag nginingiwi nya ito dahil kung ano ano ang nagiging hugis.
Nung makarating na kami sa Deira ay naglakad lakad kami sa tabi ng Creek. Bumili ng sariwang buko na iniinom naming habang naglalakad. Tapos na ang summer noon kaya malamig na din ang hangin at masarap mag strolling.
Nasa gitna namin si Eddie habang naglalakad kaming tatlo. Nagsesenyasan sila pero di ko maintindihan kung ano yung mga senyas at nagpapanggap naman akong nakatingin sa malayo. Sinesenyasan naman ako ni Eddie pag nakatingin sa malayo si Sir Tom. Yung mga senyas ni Eddie ay hindi ko din talaga maintindihan. Parang iiyak na yung mata nya na hindi maintindihan.
Naiinip ako ng konti, oo kasi saling pusa lang naman talaga ako sa lakad pero naaliw akong pagmasdan ang senyasan nila at walang kaalam alam si Sir Tom na alam ko na kung ano ang karakas nya. Kung sana nagsabi na lang sila saken edi hindi sila nahirapang magpanggap. Sa totoo lang ay halos ayaw kong paniwalaan si Eddie na bading talaga si Sir Tom kasi minsan may pagka imbentilador ng kwento yun pero ngayon, nakita ko na talaga. Hindi ako sanay sa ganitong mga pangitain sa buhay dahil lumaki akong ilag sa mga katulad ni Sir Tom at kung may nakikita akong binabae at lalake na magkasama ay mga hindi ko naman kakilala at di ko na kinikilala pa dahil hindi ako natutuwa sa ganoong klase ng ugnayan. Pero iba pala pag kakilala o kaibigan mo na ang nasa ganong sitwasyon. Di man ako boto, kelangan ko na lang tanggapin.
Ginabi na kami at hindi ko maintindihan kung nagsesenyasan pa ba o naglalandian na ang dalawang iyon pero as usual kailangan ko pa ding magpanggap na naaliw sa mga nakikita kong mga barkong nagbababa ng mga bagahe dun sa may isang banda sa Creek. Painom inom ng pepsi dahil naubos na yung buko kanina at pakain kain ng shawarma.
Ilang araw ang makalipas ay binalikan ako ni Sir Tom. Nalaman nyang alam ko pala ang lahat at bigla syang nahiya sa mga pinaggagagawa nya pero sabi ko wag syang mag alala dahil wala naman akong pagsasabihan. Kaya ayun, si Sir Tom, lalake sa Pinas, binabae sa Dubai.
* Ang title nitong “Apoy sa Buhangin” ay madalas binabanggit ni Sir Tom. kung gagawa daw kame ng nobela tungkol sa mga lablayp nya dito sa disyerto ay iyan ang gusto nyang title.
* Ito ay nangyari noong panahon na uso pa ang Nokia 3300
I’d love to hear from you!