Tao po! Tao po! Ale, nariyan po ba kayo?
Halika halika, dapit hapon na at bakit ika’y naparito?
Ale, ale bakit bukas ang inyong pinto?
Baka ika’y lamigin pag hamog ay pumasok.
Ah eh ako’y wag mong alalahanin
Mayroon pa akong kailangang hintayin
Pinalipad ko ang tatlong kalapating alaga ko
Kaninang umaga pagkagising ko
Ilang oras pa ay bumalik ang unang kalapati na may dalang puting rosas
“Salamat sa lahat ng iyong pagaaruga
Ngunit sa aking paglipad ako ay may nakita
Ito ay ang pugad na syang pinapangarap.
Paalam sa iyo hanggang sa muling pagkikita.”
Ilang oras pa ay bumalik ang ikalawang kalapati na may dalang asul na rosas
“Salamat sa lahat ng iyong pagaaruga
Ngunit sa aking paglipad ako ay may nakita
Ito ay ang pugad na syang pinapangarap.
Paalam sa iyo hanggang sa muling pagkikita.”
Ilang oras pa ay bumalik ang ikatlong kalapati na may dalang pulang rosas
“Salamat sa lahat ng iyong pagaaruga
Ngunit sa aking paglipad ako ay may nakita
Doon sa kabilang bayan mas maganda ang mga rosas
Sa aking pagbabalik, ipagdadala kita.”
Sa lahat ng mga rosas, itong pula ang naibigan
At kanyang pangako ay aking inaasahan
Nais malaman kung tunay ang tinuran
Na mas maganda ang bulaklak doon sa kabilang bayan
Ale, ale gumagabi na
Kung sya ba ay babalik , ikaw ay liligaya?
Marahil sya nga ay di na babalik ngunit nais ko pa ring malaman
Kung ang mga bulaklak ba sa kabilang bayan ay tulad ng tinuran
Kung madadala nya ito sa harapan
Maaari ko ng isara ang pintuan
***ang tunay na title nito ay Closure. Hindi ko alam kung tama ang translation ng google.
I’d love to hear from you!