Ulan. Maari bang maligo sa ulan? Umawit habang umuulan? Tumakbo, maglaro? O tumayo sa gitna ng kalsada at pakiramdaman ang bawat patak ng ulan na tumatama sa bunbunan, sa balikat, na dumadausdos pababa, hanggang sa mabasa ang kausotan at buong katawan.
Umuwi matapos pagsawaan ang buhos ng ulan. Humigop ng sabaw ng mainit na noodles at sawsawan ng monay na mainit na inilako ng mga binatilyong kahit malakas ang ulan ay naglalako ng mainit na tinapay sa hapon. Nakabisikleta, nakakapote, nasa likuran ang malaking kahong styro balot ng lona para di mabasa at lumamig ang mainit na tinapay.
Pakinggan ang maingay na patak ng ulan sa yerong bubong at ang pagbuhos ng naipong tubig sa alulod. Masdan and mga dahon ng mga puno sa bakuran na nagiging mas berde pa at mas matingkad. Pakinggan ang mga batang nagtatawanan sa labas ng bahay na naglalaro at nagtatampisaw.
*****
Minamasdan ko ang pagpatak ng ulan mula sa bintanang salamin ng aking opisina. Walang naglalaro, walang naliligo, walang batang nagtatampisaw. Minamasdan ko ito, habang kumakain ng kanin at menudong malamig.
Leave a Reply to doon po sa amin Cancel reply