Share na lang tayo sa payong

larawan mula sa april-umbrella.blogspot.com
larawan mula sa april-umbrella.blogspot.com

Umaambon pa rin pero mainam na yung ganito di tulad kagabi na halos mabutas na yung yero naming bubong sa lakas ng patak ng ulan. Hindi pala patak. Buhos. Nanonood ako ng balita sa pangumagang balitaktakan habang kumakain ng almusal na kanin at pritong itlog. Nagbabakasakaling walang pasok, pero merong pasok ang mga kolehiyo ayon sa balita.

Matapos makapag almusal ay lumabas na ako ng bahay at naglakad na patungo sa may kanto para mag-abang ng jeep. Di na ko magpapayong at mahinang mahina naman ang ambon. Baka mabasa yung payong. Pag nabasa ito ay di ko maititiklop at maipapasok sa bag ko. Kulay pilak ang langit. Wala din si haring araw, mukang ayaw nya pa magpakita. Malamig ang hangin at basang basa ang lupa. Punong puno din ng tubig yung kanal sa labas ng gate namen. Andaming nalaglag na dahon sa kalsada. Dama ko yung lamig ng lupa kahit nakasapatos ako at makapal na medyas pa ang suot ko. Maingat akong naglakad kasi baka maputikan yung sapatos ko at baka matalsikan pa ng putik yung laylayan ng paldang pamasok.

Pagdating ko sa kanto, antahimik ng kalsada. Walang masyadong tricycle na dumaraan kasi walang pasok ang elementary at high school level. Wala ding masyadong bumibyahe. Malamang hindi babyahe yung paborito kong jeep ngayon. Sana mabilis ang masakyan ko para di ako ma-late.

Unang unang jeep na dumating ay yung patok na kulay pink. Ayus na to, maganda naman yung pagkakaremix ng mga kanta na pinapatugtog nila. Sa may dulo ng jeep ako umupo. Ayoko sa bandang looban at nakababa yung trapal ng jeep. Maya maya pa’y iinit na doon sa gawing iyon kahit pa maulan. Dito sa hulihang banda ng jeep ay pumapasok yung malamig na hangin dahil mabilis ang takbo nito.

May pasok kaya sya? Sana makasabay ko sya. Malayo pa yung highway eh nakasilip nako kung kasama sya dun sa mga nag-aabang ng sasakyan. Inangat ko ng konti yung trapal para masilip ko sya.

Ayun nga! Nandun sya, kaso andami ding nag aabang dahil walang masyadong bumiyahe. Suot nya yung polo nyang dark violet at nakapantalong syang itim. Iilan lang ang polo nya kaya kabisado ko na din ang kulay ng mga yun. Kaya kahit malayo, naaninagan ko na sya dahil sa kulay ng suot nya. Madalas din pag napapadaan ako sa classroom nila, syempre hindi ako makakasilip dahil makikita ako ng mga classmates nya pati ng Prof nila kaya inaaninagan ko na lang yung kulay ng damit para alam ko kung saan sya nakaupo. Madalas din pag uwian na sila at naglalabasan na silang magbabarkada sa classroom, agad kong malalaman kung asan sya dahil sa suot nya. Jalousie yung binatana ng mga classroom kaya kitang kita yung mga dumaraan sa labas ganun din yung mga nakaupo sa loob ng classroom.

Naku baka mapuno agad at di na sya makasakay. Kuya D bilisan mo unahan mo yung ibang pasahero. Baka din pag napuno na yung jeep eh sumabit ka pa, di pa naman malaman kung kelan bubuhos ang ulan. Baka mabasa ka pa.

Ayan na at huminto na yung jeep at naguunahan na yung mga pasahero sa pagsakay.

Yes! Nakasakay sya buti na lang umabot pa. Dun sya naupo – ikatlo sya sa likuran ng driver. Sumilip ako at pinilit kong makita nya ako. Ngumiti at tumango sya. Sayang magkalayo kami ng upuan, di kami makakapagkwentuhan. Ansaya naman ng umaga ko. Kahit na kulay pilak ang kalangitan pakiwari ko’y kulay bahaghari ang kapaligiran.
Maya’t maya ang pagsulyap ko sa may pwesto nya. Natutulog sya sa byahe. Ako nama’y di makatulog dahil nawala na agad yung antok ko. Kasabay nang isang oras na byahe mula Rizal hanggang Cubao ay ang isang oras din na pagiisip kung paano ko sya babatiin at kung ano ang ikukwento ko sa kanya pagbaba namin sa jeep. “Huy Kuya, maaga ata pasok mo?” “ Kuya sabay na tayo papunta sa sakayan ng Divisoria!” “Anong subject nyo at maaga ang pasok mo?” “Tutulog tulog na naman to sa jeep, puyat kayo kagabi no? May late class ba kayo kahapon?” Haay, ano bang sasabihin ko? Madalas akong nag-iisip kung anong mga banat at pagbati ang gagawin ko pag nakakasalubong ko sya. Gusto ko kasi laging makipag usap sa kanya kasi masaya syang kakwentuhan kahit alam ko na minsan medyo halata na atang nagpapapansin na ako. Hindi kasi sya suplado. Mr. Congeniality na nga sya sa departamento naming. Sikat sya at kilala sya ng lahat ng HRM Students (of all levels) kasi lagi syang nananalo sa mga Bartending Competitions. Pero kahit ganun sya, hindi sya mayabang at hindi sya suplado. Nginingitian nya lahat ng bumabati sa kanya kahit hindi nya kilala. Kaya nga lalong hindi ako nahihiya na maunang magsimula ng usapan.

At natapos ang isang oras na byahe pero wala pa rin akong naisip na maganda gandang sasabihin o ikukwento.

Pagbaba namin sa Cubao ay tinawag nya ako at sabay na kaming naglakad papuntang sakayan ng Divisoria. Yehey sabay kami. At nagsimula na sya sa mga nakakaaliw nyang kwento habang naglalakad kami at tuloy tuloy na hanggang sa makasakay kami ng jeep. Di mawari yung pakiramdam ko. Para bang nakangiti yung puso ko. Ansaya ko.

“Tara dun tayo sa Maria Clara na jeep sumakay. Kasi mabilis yung mga yun saka maganda sounds.” Ayan, ayan ang mga matitinong natututunan ko sa kanya. Kaya namili kami ng jeep at kay Maria Clara nga kami sumakay.

Makwento si Kuya D at masaya sya magkwento. Dahil pareho ang aming kurso at ahead sya ng dalawang taon, marami syang mga kwento tungkol sa mga naranasan nila at tungkol sa mga propesor namin. Kung ano ang mga bloopers nila. Kung ano ang mga dapat paghandaan at mga projects at activities na ipapagawa sa amin. Ako naman nakikinig lang at tumatawa. Marami rin pala kaming common friends. Sa totoo lang, hindi ko sya nakita kahit kalian sa lugar namin. Magkaiba kasi kami ng school na pinanggalingan, Elementary at High School kaya napakalitt ng tsansa na magkasalubong kami. Magkaiba din kami ng barangay na tinitirahan. Pero yung ibang mga school mates ko nung high school ay naging kaklase nya nung elementary at yung iba kabarkada nya. At may mga classmate ako na kapitbahay nya kaya marami rami kaming napagtsitsismisan. Kung kelan naman kolehiyo na kami at sa Maynila na nag-aaral eh saka pa kami nagkakilala.

Bandang Sta. Mesa na at malapit na kaming bumaba sa may paglagpas lang ng Pureza bago umakyat sa Nagtahan Bridge. Ambilis nga ni Maria Clara. Nagsimula ng umambon. Haaay. Bababa na kami. Tapos na ang kwentuhan. Ang bilis naman ng byahe. Bakit walang trapik ngayon? Kung kelan naman masaya yung byahe saka naman sobrang bilis. O baka naman natrapik din kami at hindi ko lang napansin dahil masyado akong naging abala sa pakikipagkwentuhan.

Pagbaba namin ng jeep ay lumakas yung ambon. Wala syang payong kaya nakasilong kaming dalawa sa payong ko. (Actually, wala syang bag kaya wala din syang payong.) Sabi ko, share na lang tayo sa payong. Naglakad kami patungo sa building at nagpaalam sya nung makita yung mga kaklase nyang nakatambay pa sa may mamihan. “Uy salamat sa payong. Sige una na ko andyan yung mga kaklase ko. Magtatanong muna ako kung may assignment ba kami.”

‘Sana lahat ng umaga ganito’.

Author: aysabaw

Aysa is a self-proclaimed hotelier without any culinary talent. She used to fly around Dubai for ten years via her magic carpet but destiny led her to a new path. She is now a little mermaid swimming in and around the Maldivian waters. If she is not reading her books, writing something comical, leaving rubbish comments on your posts or strumming her guitar, then she's up to some mischief.

4 thoughts on “Share na lang tayo sa payong”

I'd love to hear from you!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s