Nitong mga nakaraang linggo ay sunod sunod ang balita tungkol sa mga OFW sa Middle East na naabuso, naloko at kung ano ano pa. Isa na riyan ay yung Pinay sa Saudi na tumakas raw sa amo nya, ngunit yung driver din pala ng Labor Attache ang mananamantala sa kanya. Meron din mga kababayan sa Saudi na malaking sweldo ang pinirmahan sa kanilang kontrata sa agency sa Pilipinas pero pagdating sa Saudi iba naman ang kontratang pinapirmahan sa kanila. May tatlo ding kaibigan ang aking kapitbahay na nung nasa Pilipinas, ang pinirmahan nilang sweldo sa kontrata ay 1600 dirhams ngunit pagdating dito ay 1200 dirhams lang pala. Yung katrabaho ko naman na nakaiwan ng mga documents nya sa airport dito sa Dubai ay humihingi ng tulong sa embahada natin patungkol sa mga OEC at iba pang dokumento pero binabaan lang sya ng telepono.
Anyare?
Iilan lang ito sa mga hindi masyadong magandang mga pangyayari dito sa Middle East.
Mahigpit na ngayon sa pagpapalabas sa immigration ng mga Pilipinong naka Visit Visa or Tourist Visa papuntang Dubai. (Dubai na lang ang example ko ha kasi dito naman ako nakabase at mas alam ko kung anong ikukuwento ko.) Bakit daw? Una daw kasi pag naka visit visa papuntang Dubai, hindi daw masesecure ng government na makakahanap ng magandang trabaho ang mga Pilipino o baka mag TNT na lamang. OK. Sige. Nagmamalasakit sila. Pano naman kung katulad nito, nag agency nga sa Pinas, pagdating dito iba ang sweldong ibibigay kesa sa pinirmahang kontrata sa Pinas. Kapag ka ganito ang sitwasyon, sino ba ang dapat na hingian ng tulong? Sino ba ang mali? Yung employer ba dito? Nandaraya ba sila? Yung agency ba? Kasi pag malaki ang sweldong pipirmahan ng kaawa awa nating kabayan na gustong mag abroad, eh mas malaki din ang placement fee nilang babayaran sa agency diba? At pag nandito na si kabayan ay binabaan ng sweldo ng employer, may habol pa ba siya? Paano na nya ipaglalaban yan eh sa dami na nang nagastos nya, ipagpipilitan nya pa ba na makipaglaban sa mga nanloko, kung agency man o employer? Syempre pag nandito na sila sa Dubai, it’s either pagtyagaan nila ang ibibigay sa kanilang sweldo o umuwi silang walang nangyari kung hindi sila papayag sa sweldong ibibigay sa kanila. So si kabayang naghahangad lang na mapaganda ang buhay, ayan naloko pa. Kaya madami ang nagbabakasakaling mag visit visa papunta dito. At least, makikita nila ang kontratang mapipirmahan nila dito. Proteksyon nga ba talaga ang dahilan ng immigration naten kaya pinipigilan nila na mag visit visa ang mga mamamayan, o dahil kasi pag direct hire ka o nagdaan ka sa agency sa Pilipinas eh may mga fees kang babayaran na mapupunta sa gobyerno.
No comment ako. Magtatanong na lang ako. Anyare?
Dito naman, sa embahada, o konsulado, ang pagkakaintindi ko, kaya sila nandyan para may takbuhan ang mga Pilipino para humingi ng tulong kapag nagipit o kapag inabuso. Pero parang hindi naman ganoon ang nangyayari. Minsan habang ang isang kaibigan ko ay kumukuha ng OEC sa Embassy, may nakita syang Pinay na tumatakbo papasok sa gate ng Embassy. Pasaan ang mga braso ni Ate at takot na takot na pumasok sa Embassy. Maya maya lang ay sinundan sya ng amo nyang babaeng Arabo. Hinablot sya sa buhok at kinaladkad papalabas ng Embassy at ipinasok sa kotse ng amo. Nasaksihan ito ng napakaraming mga kababayan natin na ayaw na lang din makialam. Pero hindi ba dapat pagtungtong ng ating mga kabayan sa Embassy, hindi na sila dapat magalaw pa ng mga ibang lahi? Haller? Embassy natin iyan? Hindi ba dapat pag nandyan na tayo ay protektado na tayo? Kung sa loob na ng Embassy natin ay kaya pang gawin ng Amo yan sa ating mga kababayang kasambahay, pano na lang kung nasa loob sila ng bahay ng mga Amo nila.
No comment ulit ako. Magtatanong na lang ulit ako. Anyare?
Isa ako sa mga pinalad na hindi maka experience ng mga ganyan. Pero andito pa din ako sa sa ibang bayan. Sino ba ang aming masasandalan dito sa ibang bansa kung ganyan ang nangyayari.
I’d love to hear from you!