Ako ay mamamaalam na sa iyo. Alam ko na malaki ang naitulong mo sa akin. Tahimik mong pinakinggan ang aking mga hinaing. Sinalo mo ang mga patak ng luha na halos sa araw araw na pagbuhos ay hindi na naubos. Itinago mo ang mga mapapait na lihim ng nakaraang pag-ibig. Inakala kong kapag itinago kita, balang araw ay mababasa kita at pagtatawanan ko na lang ang iyong mga nilalaman. Nangyari nga iyon. Muli kitang nabasa. Matapos ang ilang taon mong pananahimik sa loob ng kahon ng mga libro, muli kitang nabuklat. Nakakatawa ang aking katangahan. Nakalimutan ko na nga iyon, halos lahat ng iyon. Pero dahil muli kong nabasa, muling nanariwa ang sugat na matagal nang naghilom. Oh baka akala ko ay naghilom na.
Kailangan ko nang mamaalam. Salamat muli sa lahat lahat. Salamat sa pakikiramay sa akin noong panahong ikaw lang ang tangi kong kausap. Salamat sa pakikinig.
Isa ka na lang parte ng nakaraan, kaya’t hanggang dito na lang.
—-
Isang awitin para sa iyo.
I’d love to hear from you!