Sabi sa librong binabasa ko na Sparks of the Divine ni Drew Leder, subukan daw nating maging bato. Isipin mo na wala kang ibang pwedeng gawin kundi ang maging steady lang sa kinatatayuan mo. Umulan man o umaraw nananatili ka pa din sa pwesto mo.
Ipagpalagay mo na isa kang malaking bato sa tabi ng upuan sa parke. Minamasdan mo ang mga taong dumaraan at umuupo paminsan minsan. Nakikinig ka sa mga masasayang kwentuhan ng mga estudyanteng tumatambay sa upuan, sa matamis na pagliligawan o kaya’y lambingan ng magkasintahan sa ilalim ng liwanag ng buwan. Nakikidalamhati sa usapan ng magkasintahang naghihiwalay na o kaya ay nagbabantay sa natutulog na palaboy na walang matuluyan. Mahirap maging bato at magmasid lamang. Pero minsan kailangan nating maging matibay na bato para sa ibang tao.
Ipagpalagay mo na isa kang malaking bato sa kabukiran. Minamasdan mo ang mga babaeng masayang umaani ng palay habang nag aawitan. Pinakikinggan mo ang tunog na dala ng pagsayaw ng mga dahon sa hampas ng hangin. Nakikita mo ang hinagpis ng mga taong nakatingin na lang sa mga nasirang halaman pag nasalanta sila ng bagyo o kaya’y pag walang maani dahil tuyong tuyo ang lupa at matagal nang nagtampo ang kalangitan at ayaw man lang mamahagi ng tubig sa sangkalupaan. Nakikita mong tinutuka ng mga ibon ang mga dapat sana ay aanihin ng mga nagtanim at kahit gustong gusto mong isuplong ang tampalasang ibon ay wala kang magawa dahil isa ka lang bato. Uupo sa tabi mo ang magbubukid na hapong hapo na sa maghapon sa pagtatanim at maiinis dahil tutukain lang ng ibon ang kanyang mga pananim. Itatayo at isasandal sayo ang alay-ay na pambugaw ng mga ibon. Kelangan mong maging bato para sa kanila lalo na sa alay-ay na kailangan ang iyong matibay na suporta.
Ipagpalagay mo na isa kang malaking bato sa dalampasigan. Pinapanood mo ang masasayang mukha ng mga taong lumalangoy at naglalaro sa buhanginan. Naririnig mo ang masayang kwentuhan ng mga mangingisdang maraming nahuling isda. Naririnig mo ang iyak ng batang kinapitan ng dikya, at ganun din ng mga isdang nagaagaw buhay sa buhanginan dahil naiwan sila doon nung nadala sila ng malakas na alon. Nakikita mo ang mga ibon na lumilipad paroo’t parito at nakikinig ka sa katahimikan ng mga taong umuupo sa tabi mo na nais lamang magmuni muni habang nakikinig sa mga hampas ng alon sa iyo. Natutuyo ka tuwing tag araw at kapag mababa ang tubig at hinahampas ka naman ng malalakas na alon sa kinahapunan. Nalulunod ka naman kapag bumabagyo at sobrang taas na ng tubig pero wala kang magawa kung hindi manatili ka sa iyong kinalalagyan sapagkat ikaw ay isang bato. Sala sa init sala sa lamig.
Minsan kailangan nating maging bato. Walang kailangang sabihin. Walang kailangang gawin kundi ang manatiling matibay sa iyong kinatatayuan.
I’d love to hear from you!