Hirap na hirap ka sa trabaho mo. Ang liit liit ng sweldo. Napakaliit lang ng bonus na natatanggap mo tuwing ikatlong buwan at napakaliit din ng increment na natanggap mo matapos mong makapagtrabaho sa kumpanya ng isang taon. Ikaw lang ang may karapatang magreklamo. Walang karapatan ang mga taong walang swerte sa paghahanap ng trabaho, mga taong labing anim na taon nang naninilbihan sa kumpanya ay wala pa ring increment. Wala silang karapatan. Mga taong walang natanggap ni singkong bonus sa talambuhay nila, wala silang karapatang magreklamo. Mas mapapadali ang buhay mo kung makakahanap ka ng kumpanya na naayon ang pasweldo at benefits sa standards mo at para pag alis mo, magkaron ng puwang ang libo libong taong nagaabang sa pintuan ng kumpanya na di hamak naman na mas magaling sa iyo.
Pare parehas ang putaheng hinahain sa inyo sa cafeteria. Ikaw lang ang may karapatang magreklamo. Walang karapatan ang mga taong hindi binibigyan ng staff meal, o kaya yung mga taong pare parehas ang laman ng plato araw araw, kanin at bagoong. Mas maganda kung magbaon ka ng litson o hamon araw araw at ipamahagi mo sa mga tulad mong nagrereklamo para lahat kayo masaya.
Nasisikipan ka sa tren na sinasakyan mo sa araw araw papasok at pauwi. Bakit hindi ka kaya magtaxi? O kaya maglakad para mas masaya.
Nagrereklamo ka sa luma mong sneakers na isang taon ng hindi napapalitan? Butas na ba? Ikaw lang ang may karapatan magreklamo. Walang karapatan yung mga batang nagkakasakit at binubulate dahil walang suot na tsinelas. Ipamigay mo na lang mga luma mong sapatos na nakatambak sa shoe rack sa mga nangangailangan at bumili ka ng latest model para lahat masaya.
Nagrereklamo ka sa damit na binili sayo ng nanay mo galing sa tiangge? Eh sya ba nagrereklamo na ikaw na lang muna ang bibilhan nya ng damit kesa sa sarili nya na ang suot lagi ay ang puting tshirt na may kupas na logo ng Boysen Paints na ipinamigay ng isang hardware nung pasko ilang taon na ang nakakaraan. Wala syang karapatang magreklamo.
Nagrereklamo ka sa gawain mo sa buong araw na tumayo sa tabi ng swimming pool, mainitan at manood sa pagsa-sunbathing ng mga naggagandahang chikababes at naiinggit ka sa trabaho ng ibang taong nakaupo sa opisina. Sige magpalit kayo. Sya ang tatayo sa initan at manonood ng mala Baywatch na katawang nagswiswimming habang ikaw naman ang maging sekretarya ng dalawang tao, magsulat ng mga napagusapan sa limang meeting na dadaluhan mo sa loob ng isang araw, mag asikaso ng mga papeles ng mga empleyado, magisip ng team building activities, at mag asikaso ng kapakanan ng dalawang daang staff ng kumpanya. Andali ng trabahong ito. Nakaupo lang sa opisina. Wala syang karapatang magreklamo. Ikaw lang ang meron. Eh bakit hindi ka muna kaya pumasok sa walk in chiller para malamigan ang natutusta mo nang pagiisip? Subukan mo lang para masaya.
Nagrereklamo ka dahil mali ang pagkaing hinain sa iyo sa restaurant nung waitress. Sinigawan mo sya. Pinagalitan din sya ng kanyang amo. Ang mali lang naman sa order mo ay nalagyan ng broccoli ang pagkain mo dahil nakalimutan nyang sabihin sa kusinero na ipinatatanggal mo iyon. Oo mali sya. At wala syang karapatang magreklamo kahit na kumakalam na ang sikmura nya dahil hindi pa sya nakakakain mula nung pumasok sya ng alas dose ng tanghali habang ikaw ay nagdidinner na. Wala din syang karapatang mangatwiran na pagod na sya, nanginginig na ang tuhod nya sa puyat. Wala syang karapatan.
Ikaw na lang ang may karapatang magreklamo. Idaing mo lahat ng mga nangyayari sayo sa buhay mo sa araw araw. Wag mo isipin na may ibang tao rin na naghihirap dahil sayo. Wag mo rin isipin na marami pang ibang taong mas nangangailangan kesa sa iyo. Wag mong iisipin na may nagliligpit ng kalat mo, na may nagwawalis ng balat ng kendi na tinatapon mo at may dumadampot sa tirang ulam na itinapon mo. Magreklamo ka pa. Ikauunlad ng bayan ang ganyang klase ng pag iisip.
I’d love to hear from you!