Kahapon ay may nabasa akong artikulo sa Gulf News na pinamagatang Homesickness : Invisible enemy of working abroad. Nilahad dito ang ilang mga panayam sa mga taong naninirahan dito sa disyerto, gayun din ang mga symptoms ng sakit na “Homesickness.”
“Homesickness often has psychological symptoms such as lack of concentration, disorientation, sadness, and recurrent mood changes. But it eventually manifests through physical symptoms such as changes in appetite, in patterns of sleep, or sometimes nausea, and dizziness.”
Sinuri ko ang aking sarili. Naho-homesick ako. Pero wala sa mga symptoms na nasa itaas ang pinagdadaanan ko. Naho-homesick ako, pero wala akong sakit. -__-
Ang alam ko lang ay namimiss ko na ang aking pamilya at ang aming bahay. Namimiss ko ang sikat ng araw na bumubulaga sa akin sa umaga at ang sariwang hangin na aking nilalanghap pag lumalabas ako kapag bibiili na ako ng mainit na pandesal.
……oo ito ang bumubulaga sa akin sa umaga. Ang bundok na natatakpan ng hamog na unti unting nawawala pag sumilip na si haring araw. Ito ang bumubulaga sa akin tuwing umaga. Ang mga kawad ng kuryente na nakabalandra sa harap ng aming bahay. Ito ang bumubulaga sa akin tuwing umaga. Ang mga kalawanging bubong ng aming mga kapitbahay. Oo ito, ang mga simpleng bagay na namimiss ko sa umaga kasabay ng pagtilaok ng mga manok at pagtahol ng mga aso sa mga tricycle na dumadaan upang sunduin ang mga estudyanteng papasok na sa eskwela.
Umaga pa lang ay magigising ka na sa ingay ng mga tricycle na pari’t parito sa pagsundo ng mga bata. May sumisigaw ng taho, pandesal, goto, dyaryo at kung ano ano pa. Dagdag pa rito ang mga pansabong na manok na nakapalibot sa aming bahay na nakikisabay sa panggigising (ay mas maaga pa pala sila dahil alas kwatro pa lang ay tumitilaok na sila.) Kapag Sabado’t Linggo naman, magigising ka sa ingay ng mga batang naglalaro na sa labas o kaya mga kapitbahay na nagwawalis o naglalaba, o di kaya’y nagkwekwentuhan habang nag iigib ng tubig. Talagang nakakamiss.
Sa tanghali naman ay ang masarap na tanghaliang tuyo at kamatis na may malagkit at mainit pang kanin na may kasamang softdrinks na may yelo. Sa kainitan ng tanghali ay hinaharap ko pa ang electric fan sa akin para mas mabilis lumamig ang kanin (oo, masarap ang kaning mainit pag mejo malamig na ng konti. anudaw?) Ilang oras pa matapos ang tanghalian ay may mga naglalako na ng banana cue at turon (nakakapaglaway -__-) at iba pang mga meryenda tulad ng palitaw at biko.
Dahil puro pagkain naman ang nabanggit ko, itutuloy ko na sa hapunan ang talagang nakakamiss na Andok’s Lechon…..waaaahhhhhh….Nakakahomesick lalo……Kasabay ng hapunan ang masayang kwentuhan ng buong pamilya at biruan ng magkakapatid at ang pagbibidahan kung sino ang mas higit at mas magaling at kung sino ang may pinaka nakakatawang istorya.
Nakakamiss din ang pagbuhos ng ulan. Namimiss kong marinig ang pagpatak nito sa aming bubong at ang biglaang pagtakbo ng mga kapitbahay para makuha ang kanilang sinampay. Ang tagal ko ng hindi nakakita ng ulan. Namimiss kong magpayong ha ha. Namimiss kong humigop ng mainit na sabaw ng noodles na magpapainit sa aking tyan habang malamig at maulan. Haay …
Nakakamiss ang lahat ng yan. Naho-homesick ako, pero wala akong sakit. Namimiss ko lang sila 😦
Leave a Reply to Left Pencil Cancel reply