Napansin ko lang na madami pa din ang nagtatanong ng kung ano ba talaga magiging trabaho nang isang nagtapos ang kursong HRM (Hotel and Restaurant Management). Gaya ng nasabi ko sa nakaraan kong blog na Nag aaral ba tayo para maging Waitress lang (babala: isa itong napakahabang blog patungkol sa aking mga naging karanasan sa trabaho), hindi ka lang serbidora pag natapos mo ang kursong ito dahil malawak ang nasasaklaw ng industriyang inyong pinapasok.
Ang mga sumusunod ay iilan lang sa mga propesyon o sangay ng Hospitality Industry na maari nyong pagpilian o mapasukan pag kayo ay nakapagtapos na:
1. Chef
Sa apat na taon ng pag aaral nyo ng kursong ito, may ilang subjects na pumapatungkol sa pagluluto ang pagdadaanan nyo, at dito nyo malalaman kung hahanay ba kayo sa mga magiging magaling na Chef tulad ni Heny Sison at Nora Daza na mga batikan sa larangan ng pagluluto (syempre pinili kong pangalan eh yung sikat :)).Sa aking pagkakatanda, mayroon akong Culinary, Baking at International Cuisine na subjects noong ako ay nasa kolehiyo. Malamang sa ngayon, nadagdagan din iyan depende sa bagong kurikulum o depende sa unibersidad na iyong papasukan. (Para sa isa pang babasahin tungkol sa buhay ng isang Chef tingnan ito http://hotelierako.wordpress.com/2013/08/23/a-day-in-a-life-of-a-demi-chef-de-partie/)
Tandaan lang natin na, hindi naman agad agad tayong makakapasok ng Chef de Cuisine of Sous Chef pagkatapos natin mag aral. Magsisimula muna tayo bilang taga balat ng patatas at sibuyas at kailangan natin ng matinding tyaga at determinasyon para maabot natin ang ating minimithi. At kung sa palagay mo ay hindi ka masyadong nahihilig sa pagluluto, may iba pang maaring pagpiliang propesyon tulad ng:
2. F&B Service Staff
Dito naman lumilinya ang mga waiter/waitress, bartender, hostess/receptionist sa mga restaurants, stand alone man o nasa loob ng hotel. Ang mga eksperiyensadong service staff ay unti unting napopromote sa paglipas ng panahon depende sa galing at determinasyon sa trabaho. Sa una ay maaring maiangat ka bilang Captain o Senior Waiter, sunod na ang Assistant Restaurant Manager, Restaurant Manager at kung sa malalaking hotel ay meron tayong tinatawag na Assistant F&B director/Manager at sumunod pa ay ang Food and Beverage Director.
Sa linyang ito, kailangan ng pasyon sa iyong ginagawa. Kinakailangan dito ang kaalaman sa pagkain at lalo na sa mga alak at mga cocktails. Syempre, kailangan din ng matinding ngiti at service skills ika nga. Halimbawa na lang ay ang sikat na sikat na TGI Fridays. Sa aking pagkakatanda, bago ka maging bartender ay kailangan mong sauluhin ang mahigit tatlong daang klase ng international cocktails at dapat din ay marunong ka mag flairtending. Silipin natin kung ano ang ginagawa ng mga bartender sa shift nila sa post na ito – A Day in a Life of a Bartender.
3. Front Office
Kung ayaw nyo naman sa linya ng F&B, maari naman kayo sa Front Office. Dito maari kayong magsimula bilang telephone operator, concierge, bell boy, o receptionist. Dito naman, kailangan ng kakayahan sa pagharap sa matinding pressure. Anong gagawin mo kung may kaharap kang guest na nais mag check in at bukod pa dyan ay kabilaan ang pagriring ng telepono mo, sabay hindi gumagana ang sistema nyo at ilang segundo na lang ay matatapos na ang shift mo? (Para don sa may mga tanong tungkol sa trabaho ng bellman at conceirge pa-click na lang din dito http://hotelierako.wordpress.com/2013/06/19/faqs-ano-ang-pagkakaiba-ng-bellman-sa-concierge/) (Para sa babasahing patungkol sa buhay ng isang Business Center Team Leader sa Front Office basahin ito http://hotelierako.wordpress.com/2013/08/22/a-day-in-a-life-of-a-business-center-team-leader/)
4. Sales and Marketing
Dito naman napapasok ang mga taong may magaling na convincing skills. Ang sales at marketing ay dalawang magkaibang sangay na pinag isa dahil iisa lang naman ang layunin ng mga ito. Ang mapukaw ang puso ng mga mamimili para tangkilikin ang inyong produkto. Ang mga napupunta sa linya ng Sales ay yung may mga “negotiating and convincing” skills at ang nasa Marketing naman ay yung may mga “creative and artistic minds” na makakapag isip ng medium na magagamit para mga adverts na tinatawag.
5. Cruise Ship
Kapag binanggit ang “Cruise Ship” madalas ang pandinig dyan DOLYAR. ^__^
Totoo naman yan. Mabilis kumita dyan, pero mahirap din ang trabaho at wala pa kayong day off. Isa pa ay ilang linggo o buwan kayong nasa gitna lang ng tubig. Pero sanayan lang din yan. Isa pa, makakpunta ka sa iba’t ibang parte ng mundo lulan ng barko. Yun nga lang sabi ng iba malaki nga ang kita, pero mabagal naman ang career advancement.
Ok peeps…eto na ang pinaka aabangan siguro ng lahat bilang ito ang madalas gustong maging trabaho ng mga HRM grads, ang makapagbarko. Sa mga gustong basahin eto na po A Day in a Life of A Cruise Ship Stewardess
6. Airlines (Cabin Crew)/ Travel Agent
Maari din kayong makapasok sa airlines bilang Cabin Crew kung kayo ay slim and slender at kung kayo ay matangkad, pero syempre dapat alam nyo rin na marami kayong makakalabang Tourism graduates na mas lamang sa inyo sa kaalaman patungkol sa Travel & Tourism.
7. Events
Kung magaling ka mag organize at mag plano ng mga events tulad ng meetings, conferences, parties at kung ano ano pang functions, pasok ka dito.
Note #1: Ang Hospitality Industry ay parang Film Industry. Pag tungtong mo sa entablado, dapat ay nakangiti ka na. Sa industriyang ito, tayo ang nagpapasaya sa mga tao at binabayaran nila tayo para maghatid nito. Kaya kung ikaw ay may “grumpy attitude” o kung hindi ka smiling face ay hindi ka pwede dito dahil kahit kakabreak nyo lang ng kasintahan mo, pagharap mo sa ibang tao ay kelangan abot tenga ang ngiti mo.
Note #2: Tulad din ng Film Industry, nakakapagod ang industruyang ito. Mas madalas ay dose oras kang nakatayo (na naka high heels – para sa babae). Swerte ka pag nagbabayad ng overtime ang kumpanyang napasukan mo. Maipapayo ko lang, na dapat tanggapin mo na sa sarili mo ngayon pa lang na ang industriyang iyong pinapasok ay hindi tulad ng iba na eksaktong 8 o 9 hours lang ang trabaho. Mas madalas 10 – 12 hours at hindi ka din makakaranas ng ” holiday.” At pagtapos ng lahat ng ito, kahit ngarag ka na sa loob ng dose oras mong nakatayo ka, ilang linggo ka ng walang off at nalilipasan ka na ng gutom ay kelangan kaaya aya pa din ang iyong itsura. (Oo, talent yan. Mga Hoteliers at HRM Studes and grads lang makakagawa nyan :))
Note #3: Kung may nakikita kayong ilang taon na ay waiter/waitress pa din, o kaya ay bellman pa din at hindi pa din sila napopromote o nalilipat ng trabaho hindi ito dahil sa wala silang kakayahan. Minsan choice nila ito. Bakit kamo? Ipapaliwanag yan sa inyo ng dollar sign. 🙂
Iilan lang yan sa mga maaring maging trabaho at maaring nyong pasukan sa Hospitality Industry, at habang nag kakaroon kayo ng mga experience at exposure ay lalawak pa ang inyong pag unawa at kaalaman patungkol sa industriyang ito. Habang nag aaral ka pa, dapat alamin mo na kung ano ang iyong forte para yun na ang hinangin mong “skills” at doon ka na mag focus.
Sana ay nakatulong ako. Ang lahat ng aking mga inilahad ay base lamang sa mga karanasan ko at ng mga taong katulad ko din na nasa Hospitality Industry.
Kung meron man kayong iba pang katanungan , mag iwan lang ng komento at sisikapin nating sagutin. O kaya, tweet me ^__^
Ciao! 🙂
____
Maraming salamat po sa mga bumabasa ng isinulat ko patungkol sa mga kalimitang itinatanong tungkol sa HRM Course at para po sa mas marami pang impormasyon, pakidalaw po ang blog ko na naglalaman lamang ng mga post patungkol sa hospitality http://hotelierako.wordpress.com/. Salamat po ulit 🙂

Support small businesses. Ali’s Handmade is a small shop for handmade bags, pouches, and more. Click here to visit the shop.
I’d love to hear from you!